-- Advertisements --

Halos 15,000 AFP medical frontliners na ang nabakunahan simula nang magsimula ang vaccination program ng AFP.


Ayon kay AFP Chief of staff Lt Gen. Cirilito Sobejana, target nilang mabakunahan ang nasa 35,000 na mga AFP medical frontliners sa ibat ibang panig ng bansa.

Aniya, mga Sinovac vaccine pa ang kanilang naipamamahagi sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Naideliver na rin ang mga bakuna sa mga pinakamalayong lugar sa bansa gaya ng Batanes at Tawi-Tawi.

Ayon kay Sobejana, umaasa sila na makatutulong ang kanilang hakbang upang mabilis na maibalik sa normal ang bansa.


Nasa 70,000 doses ng Sinovac ang inilaan ng Defense Department sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa nasabing bilang, 16 military treatment facilities sa Luzon ang nakatanggap ng 30,600 vials ng CoronaVac kung saan napakinabanggan ito ng 13,555 personnel.

Habang 4,200 vials ang naihatid sa 5 military treatment facilities sa Visayas kung saan 684 frontline personnel ang nabakunahan.


Samantala, anim na military treatment facilities sa Mindanao ang nakatanggap ng 4,200 doses kung saan 730 personnel ang nakinabang dito.

Sa Tawi Tawi, dumating na ang unang batch ng bakuna na binubuo ng 101 doses ng AstraZeneca at 1, 212 ng Sinovac vaccine, na inihatid ng Fokker plane ng Philippine Air Force kahapon.

Ang bakuna ay tinanggap ni Joint Task Force Tawi-Tawi Commander Brig. Gen. Arturo Rojas kasama si 2nd Marine Brigade Commander Col. Nestor Narag, Jr., at mga lokal na opisyal ng Tawi-Tawi sa Sanga-Sanga Airport, sa Bongao.

Nauna rito, ang naturang eroplano ay naghatid din ng 208 doses ng AstraZeneca at 2,360 dose ng Sinovac vaccines sa Sulu.

Siniguro ni Sobejana ang suporta ng AFP sa vaccination program ng pamahalaan.