Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na nakahanda sila sakaling ipag-utos ng Korte na ilipat sa kanilang kustodiya si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy at apat na iba pang akusado.
Sa isang pahayag, binigyang diin ni AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, na hindi sila magbibigay ng kahit na anumang uri ng special treatment.
Ayon kay Padilla, tatalima sila sa magiging kautusan ng korte bilang pagpapakita ng paggalang sa batas.
Bagamat, nagsalita na aniya ang Department of National Defense na haharangin nito ang mosyon na ilipat si Quiboloy at apat na iba pa sa kustodiya ng AFP, nananatili pa ring bukas ang kanilang pintuan sakaling magbago ang mga hakbang.
Kung maaalala, binigyang diin ng DND na hindi miyembro ng militar si Quiboloy at wala itong kinakaharap na anumang uri ng kaso sa Court Martial.