Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatiling propesyunal ang mga miyembro nito at hindi magpapadala sa anumang udyok.
Ginawa ng AFP ang pahayag sa kabila ng panibagong panawagan ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Maalalang sa isinagawang indignation rally sa Cebu City noong nakalipas na Sabado, Peb. 22, 2025 ay inakusahan ng dating pangulo si Pang Marcos na patungo na sa diktadtorya at posibleng hindi bababa sa pwesto pagsapit ng 2028.
Dito ay hinimok ng dating pangulo ang AFP at Philippine National Police na gumawa na ng akmang hakbang upang mapigilan ang Marcos Jr. administration mula sa posibleng pagbagsak ng bansa tungo sa isang dikdadorya.
Ayon AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, hindi-hindi ipagkakanulo ng militar ang tiwalang ipinagkakaloob ng publiko.
Tiwala ang AFP aniya na bawat miyembro nito ay mananatiling propesyunal at gagampanan ang anumang tungkulin na sinumpahan ng mga ito.
Inihalimbawa rin ni Padilla ang pinaka-huling survey na lumabas kung saan napapanatili ng AFP ang tiwalang ipinagkakaloob ng publiko.
Ayon kay Padilla, hindi sasayangin ng AFP ang naturang tiwala, bagkus lalo pa itong magsisilbi sa publiko.