Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatuloy sila na magpatupad ng kanilang misyon sa West Philippine Sea sa kabila ng patuloy na panggigipit ng China sa exclusive economic zone ng bansa.
Ayon kay AFP deputy chief of staff Lt. Gen. Sean Gaerlan, magpapatuloy ang kanilang mga misyon kung kaya’t kakailanganin nila ang suporta ng mamamayang Pilipino.
Aniya, kahit anong mangyaring insidente ay patuloy ang kanilang misyon sa exclusive economic zone ng Pilipinas kaya’t patuloy ang panawagan nila sa mga Pilipino na suportahan sila.
Magugunitang binangga at binomba ng water cannon ng China Coast Guard ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR malapit sa Escoda Shoal.
Sa isang pahayag, sinabi ng CCG na ang BRP Datu Sanday ay “iligal na lumusob” sa teritoryo ng China at patuloy na lumapit sa kanilang mga sasakyang pandagat sa isang “mapanganib na paraan.”
Magsasagawa ang BRP Datu Sanday ng humanitarian mission mula sa Hasa-Hasa Shoal upang maghatid ng diesel, pagkain, at mga suplay na medikal sa mga mangingisdang Pilipino sa Escoda Shoal.
Ang Hasa-Hasa Shoal ay matatagpuan 60 nautical miles mula sa Palawan.
Gayunpaman, sinabi ng National Security Council o NSC na ang mga sakay ng BRP Datu Sanday ay ligtas.