Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines ang proteksyon at kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda na naglalayag sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pinakabagong polisiya na inilabas ng China kaugnay sa umano’y gagawing pag-aresto ng China Coast Guard sa sinumang indibidwal na ilegal na papasok sa kanilang maritime territory nang hindi dumadaan sa kaukulang paglilitis.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Roy Vincent Trinidad hindi pahihintulutan ng Hukbong Sandatahan na mangyari o mang-aresto ang China ng ating mga kababayang mangingisda sa West Philippine Sea na teritoryo ng ating bansa.
Aniya, maraming pamamaraan ang kanilang hanay para protektahan ang mga Pilipinong mangingisda sa naturang pinag-aagawang teritoryo, hindi lamang sa aspetong militar kundi maging sa whole of the nation approach.
Samantala, kaugnay nito ay iginiit ng opisyal na ang polisiyang ito ng China ay hindi katanggap-tanggap sapagkat ito ay lumalabag sa international law kasabay ng pagbibigay-diin na walang anumang legal entitlement ang kine-claim na 9-nine dash line ng naturang bansa.