-- Advertisements --

Buong pusong nagpaabot ng pakikidalamhati ang buong sandatahang lakas ng Pilipinas sa naulilang pamilya ng nasawing sundalo at tatlong iba pang sugatan sa Batangas.

Ito ay kasunod ng mga ulat na mayroong isang tropa ng mga militar ang napatay sa kasagsagan ng pakikipagbakbakan sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Malalay sa bayan ng Balayan, Batangas.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Col. Xerxes Trinidad, magpapaabot ng buong suporta ang liderato ng sandatahang lakas ng pilipinas para sa naiwang pamilya ng nasawing sundalo at gayundin sa mga pamilya ng mga sundalong nasugatan nang dahil pa rin sa nangyaring bakbakan.

Kung maaalala, aabot sa anim na mga miyembro ng NPA ang na-nutralisa sa Armed Forces of the Philippines mula sa naturang operasyon.

Una nang sinabi ni Philippine Army 2nd Infantry Division spokesperson Lt.Col. Hector Estolas, na ang mga ito ay kabilang sa 14 na mga rebelde na naka-engkwentro ng mga tropa ng militar matapos matugunan ng mga otoridad ang planong pagpupulong ng grupo para sa layunin nitong muling buhayin ang NPA sa batangas.

Sa ulat, tumagal ng halos humigit-kumulang na tatlong oras ang nangyaring sagupaan kung saan bukod sa mga labi ng mga nasawing terorista ay narekober din sa encounter site ang apat na armas.

Lubos naman na kinikilala ng buong hanay ng kasundaluhan ang kabayanihan at katapangan ng mga tropang kabilang sa nangyaring engkwentro kasabay ng pangakong tutuparin ang layuning resolbahin at wakasan ang mga problema ng pamahalaan sa mga lokal na komunista sa ating bansa sa lalong madaling panahon. (Reports by: Bombo MARLENE PADIERNOS)