Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutulong sa Philippine National Police (PNP) sa validation process lalo na sa mga impormasyon kaugnay sa nangyaring twin blast sa Quiapo na ikinasawi ng dalawang indibidwal habang anim ang sugatan.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo na layon nitong mapagtibay ang mga detalye o impormasyong hawak ng pulisya.
Sinabi ni Arevalo na suportado nila ang PNP sa counter-terrorism operations sa pamamagitan ng intelligence gathering at pagbabahagi ng mga impormasyon.
Sa kabilang dako, una ng sinabi ni NCRPO chief PDir. Oscar Albayalde na hindi terorismo ang nangyaring pagsabog sa Quiapo.
Samantala, tumanggi ang AFP na magbigay ng anumang impormasyon kaugnay sa nangyaring pagsabog dahil isa umano itong law enforcement operations.