Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila hahayaan na makapaglunsad ng karahasan o pag atake ang rebeldeng New Peoples Army (NPA) lalo na sa mga komunidad kung saan direktang maaapektuhan ang mga sibilyan.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief (PAO) Marine Col. Edgard Arevalo na sa mga pahayag at pinaggagawa ngayon ng NPA ay pinapatunayan lamang ng komunistang grupo na hindi nila hangad na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan ng sa gayon maging mabuti ang kabuhayan ng mga mamamayan.
Depensa ng NPA na kanila lamang pinoprotektahan ang kanilang miyembro laban sa ginagawang pag atake ng militar.
Pero ayon sa AFP malakas ang kanilang paninindigan at sila ay sumusunod sa kung ano ang ipag uutos sa kanila lalo na kung may ceasefire.
Sinabi ni Arevalo na lumang isyu na ang mga akusasyon ng NPA laban sa kanila bagkus ang komunistang grupo ay may inilabas na direktiba sa kanilang NPA units na maglunsad ng pag atake.
Sa ngayon pinalakas pa ng militar ang kanilang mga defense posture para maiwasan ang pag atake ng rebeldeng grupo.
Hindi naman tumitigil ang operasyon ng militar laban sa NPA.
Batay sa datos ng AFP simula nuong Feb 4 matapos ma terminate ang peace negotiation nasa 403 NPA ang na neutralized kung saan 91 ang patay, 40 ang naaresto, 272 ang sumuko at nasa 194 na mga armas ang narekober ng militar.