-- Advertisements --

Hindi umano hahayaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na muling masakop ng China ang Julian Felipe o Whitsun Reef na pasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, kagaya ng ginawa nila sa Scarborough Shoal noong 2012.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi hindi nito papayagan na makapag-construct pa ng military base ang China sa Julian Felipe Reef.

Julian Felipe reef WPS West

Binigyang-diin ni chief of staff na kanilang ipamumukha at ipakita sa China na ang nasabing lugar ay pag-aari ng Pilipinas.

Sa ngayon asahan na ang pinalakas na maritime patrols sa West Philippine Sea partikular sa may bahagi ng Julian Felipe Reef.

“Hindi pupwedeng magkaroon o makapag put-up pa sila ng base diyan sa Julian Felipe Reef dahil e talagang we have to show them, that’s why mas lalo pa natin tinaasan yung ating frequency sa pagpatrulya sa nasabing lugar,” pahayag ni Sobejana.

Binigyang-diin din ni Sobejana na ang deployment ng mga dagdag na naval assets sa West Philippine Sea ay isang paraan para tumaas pa ang confidence ng ating mga kababayan hinggil sa ginawang pagsalakay ng China.

“Yung pag-deploy natin ng additional naval assets isa ito sa mga paraan na ma build natin yung confidence ng ating mga kababayan na hindi pupuwedeng ganon lamang na gagawin ng China sa Julian Felipe Reef kaya tuloy tuloy hindi natin lulubayan itong pagpapatrulya sa naturang lugar,” dagdag pa ni Sobejana.

Tumanggi naman si Sobejana sabihin kung anong mga barko ng navy ang kanilang idineploy dahil na rin sa security issues.

Gayunpaman tiniyak ng heneral na magagawa ng mga navy vessels ang kanilang misyon.

No comment din si Sobejana kung kabilang ang dalawang bagong frigate ng Philippine Navy ang ideploy sa West Philippine Sea.

Siniguro rin ni chief of staff na ang nangyari sa Scarborough Shoal ay hindi na mauulit pa.