Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Vice President Sara Duterte, na poprotektahan nila ito alinsunod sa kanilang mandato.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, ang mga pansamantalang ipapalit na sundalo sa Vice Presidential Security Group (VPSPG) ay propesyonal, tapat sa chain of command at pinili base sa merit.
Kasunod ito ng pahayag ng Pangalawang Pangulo na hindi na siya tatanggap ng karagdagang security personnel dahil wala na siyang pinagkakatiwalaan.
Matatandaan na pansamantalang papalitaan ang miyembro ng VPSPG ng contingent force mula sa AFP at PNP ayon kay AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr.
Ito raw ay dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga miyembro ng VPSPG hinggil sa nangyaring kaguluhan sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong November 23 at sa nagpapatuloy din na paglilitis sa confidential funds ng OVP na nakakaapekto na sa pagganap sa kanilang tungkulin na protektahan ang bise presidente.