Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tatalima sila sa naging direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na pangasiwaan ang distribusyon ng mga COVID-19 vaccine sa sandaling maging available na ito.
Ayon kay AFP spokesperson Marine M/Gen. Edgard Arevalo, kanilang sisiguraduhin na maipamahagi ito lalo na doon sa mga rural areas.
Sinabi ni Arevalo na may mga sundalo ang naka-assign sa mga liblib na lugar sa bansa kaya tiyak na maipamahagi ito sa mga mahihirap nating mga kababayan.
Binigyang-diin ni Arevalo, nakahanda sila sa anumang utos sa kanila lalo na at hindi na naman ito bago sa kanila.
Aniya, tumutulong din sila sa pamahalaan sa tuwing may kalamidad, halalan at iba pang mga emergencies.
Nilinaw naman ni Arevalo, hindi naman sila solong mamahagi ng vaccine kundi makakatuwang ng AFP ang Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) at Department of Health (DOH).