-- Advertisements --
image 223

Binigyang diin ng Armed Forces of the Philippines na walang patid at nagpapatuloy pa rin ang kanilang ginagawang pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos ang kamakailan lang na insidente ng pambubully ng mga Chinese coast guard sa Philippine Coast Guard kung saan tinutukan nila ang mga ito ng military grade laser light na nagsanhi naman ng pansamantalang pagkabulag ng ating mga coast guard.

Ayon kay AFP Western Command Spokesperson Commander Ariel Joseph Coloma, sa kabila ng naturang insidente ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagpapatrolya sa nasabing isla.

Bukod dito ay sinabi rin niya na sa kabila ng panghaharass na ito ng China ay matagumpay pa rin aniyang naisagawa ng ating mga coast guard ang kanilang rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal.

Habang wala rin naman aniyang iba pang napaulat na insidenteng kinasangkutan ng barko ng Pilipinas matapos ang naturang pangyayari.