Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatuloy ang regular na pagpapatrolya ng kanilang mga barko sa West Philippine Sea partikular sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Ito ay kahit pa wala na roon ang monster ship ng China o ang Coast Guard vessel na may bow number na 5901 na namataan kamakailan lamang.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, batay sa kanilang monitoring, dumaan lamang sa lugar ang nasabing monster ship subalit bahagi aniya ito ng ICAD o illegal coercive, aggressive deception ng China.
Sinabi ni Padilla, regular ang pagpapatrulya sa lugar ng mga barko ng Philippine Navy gayundin ang pagsasagawa ng maritime patrol ng Philippine Air Force at Philippine Coast Guard.
Binigyang-diin ni Padilla na committed ang AFP sa kanilang pangako na ipagtanggol ang soberenya ng bansa, pangalagaan ang interes sa rehiyon at paigitingin ang mga hakbang para sa seguridad sa karagatan at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayang mangingisda.