Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuloy pa rin ang kanilang rotation of troops at resupply mission sa BRP Sierra Madre na naka station sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, subalit hindi na tatalakayin ng militar ang detalye nito.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad na hindi nila pag-uusapan ang mga detalye sa gagawing humanitarian rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal, na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Binigyang-diin ni Trinidad na hindi i-dignify o igagalang ng AFP ang mapanlinlang na mga pahayag ng China Coast Guard.
Ipinunto ni Trinidad na ang pangunahing isyu ay nananatiling iligal ang presensya at pagkilos ng mga sasakyang pandagat ng China sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ang presensiya at aksiyon ng China Coast Guard ay paglabag sa mga karapatan sa soberanya ng bansa.
Ayon pa kay Trinidad na ang patuloy na agresibong aksyon ng CCG ay lalong nagpapatindi sa tensiyon sa rehiyon.