Tinukoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na Abu Sayyaf Group (ASG) ang may kagagawan sa pagsabog sa Lamitan, Basilan.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, grupo ni Abu Sayyaf leader Furuji Indama ang nasa likod ng pagsabog na ikinasawi ng 11 katao kabilang ang isang sundalo, limang CAFGU at apat na sibilyan na mga dependents ng CAFGU.
Sa 11 nasawi kabilang na dito ang driver ng van na may dalang mga IEDs.
Nagtamo naman ng minor wounds ang walong sugatang miyembro ng Philippine Army Scout Ranger na nagtamo ng mga shrapnel wounds at kasalukuyang ginagamot na.
Sa kabilang dako, wala pang kumpirmasyon na banyaga ang driver ng van na sumabog sa CAFGU detachment kanina.
Sinabi ni Arevalo na hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon dahil ayaw nitong mag speculate na suicide bomber ang sakay sa van.
Umapela din si Arevalo sa media na huwag ng ihighlight ang salitang suicide bomber dahil maging sanhi ito ng pag panic ng taumbayan.
Hindi pa rin batid ng AFP kung ano ang components ng sumabog na IED.
Aminado din si Arevalo na may natanggap na rin silang intelligence report na may mga idedeploy na mga IEDs lalo na sa Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao kaya pinalakas pa nila ang kanilang intelligence monitoring at kanilang checkpoint.
” This group of Furuji Indama is losing ground. Swiftly losing ground that’s why they are now resorting to this desperate moves in order to disrupt the mass surrenders of ASG members in Basilan and in Sulu. In the previous reports that you received from us, pinakikita natin na napakarami nang sumusukong mga miyembro ng ASG. They come in groups with their firearms at ito ang gusto nilang mapahinto,” pahayag ni Arevalo.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng PNP at AFP kung saan posibleng dalhin ang mga IED na sumabog sa detachment ng CAFGU.
Maari kasing ideliver ang mga IEDs sa bandidong grupo pero dahil na checkpoint ito kaya sinadya ang pagpapasabog.
Giit ni Arevalo lahat ito ay kanilang iniimbestigahan.
“Ang nakapagkwento kasi dito ung radioman na tumawag ng reinforcement galing sa 9th scout ranger company. Yung ang sinabi ko kanina na wounded because as they were approaching the van, nagexplode na ito. So ang tama nila shrapnel wounds, ang sabi dito, na-stop ung van, checkpoint na ito. they saw the driver uneasy that’s why nagpatawag ng reinforcement upang tumulong at tignan ung sinsasabing van when it exploded,” kwento ni Arevalo.
Nasa proseso na rin ngayon ang mga otoridad sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng driver ng van.
Hindi naman masabi ng militar kung ilang IEDs ang nasa loob ng van.