Tinutulan ng Armed Forces of the Philippines ang naratibo ng China na sinisi ang panig ng PH sa nangyaring banggaan ng barko ng 2 bansa sa resupply mission sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea ngayong araw ng Lunes, Hunyo 17.
Hindi din kinikilala ng AFP ang misleading claims ng China kaugnay sa napaulat na banggaan.
Inilabas ng AFP ang naturang pahayag matapos na iulat ng China Coast Guard ang naturang collision incident.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Colonel Xerxes Trinidad hindi tatalakayin ng AFP ang operational details kaugnay sa legal humanitarian rotation at resupply mission ng tropang Pilipino sa Ayungin shoal. Ang pangunahing isyu aniya dito ay ang ilegal na presensiya ng mga barko ng China sa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa.
Nanindigan din ang AFP official na ang patuloy na agresibong mga aksyon ng CCG personnel ay nagpapalala pa sa tensiyon sa rehiyon.
Samantala, wala pang komento sa usapin ang MalacaƱang maging ang Philippine Coast Guard. Tikom din ang National Task Force on the WPS sa insidente.
Una na ngang naglabas ng panibagong akusasyon ang China laban sa Pilipinas matapos nitong iulat na nagsagawa umano ng mapanganib na paglapit ang barko ng PH sa barko ng China na nagresulta sa banggaan.
Pinaratangan din ng China ang barko ng PH ng ilegal na panghihimasok umano sa katubigan sa Ayungin shoal at binalewala din aniya ng barko ng PH ang makailang ulit na babala nito.