Ipinagmalaki ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Noel Clement na nagtagumpay sila sa kanilang kampanya laban sa New People’s Army (NPA) sa nakalipas na taon.
Inihayag ito ni Clement sa pagdiriwang ng ika-84 na anibersaryo ng AFP.
Sa talumpati ni Clement ibinida ni Clement ang pagkakalansag ng AFP sa 12 guerilla fronts at apat na Bagani Commands sa taong ito.
Gayundin ang inaasahang pagbuwag ng 12 pang guerilla fronts bago mag-Marso ng susunod na taon.
Resulta aniya ito ng 468 na engkwentro sa mga NPA nitong nakalipas na taon na bahagi ng all-out offensive laban sa terroristang grupo.
Sa kabuuan aniya ay 2,735 miyembro ng kilusang komunista ang na-neutralize ng AFP kung saan 98 sa mga ito high value targets.
Narekober din aniya ng AFP sa nakalipas na taon ang 1,669 armas ng kalaban, at na-clear sa presensya ng NPA ang 183 na apektadong barangay.
Dagdag pa ni Clement, natukoy din ng AFP ang ilang pinanggagalingan ng pondo ng NPA na nagresulta sa pagkaaresto ng 16 na NPA Finance Officers.