-- Advertisements --

Binatikos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Southern Theater Command ng China nitong Linggo kasunod ng joint military exercises ng Pilipinas kasama ang Estados Unidos at Canada sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang-diin ni AFP spokesperson Colonel Francel Padilla na ang Pilipinas ay hindi nanghihimasok sa teritoryo ng ibang bansa kundi ipinaglalaban lamang ang sarili nitong soberanya at teritoryo na nakakapaloob sa international law.

Ang pahayag ni Padilla ay bilang tugon sa mga pahayag ni Tian Junli, tagapagsalita ng Southern Theater Command ng China, na nagsabi na ang Pilipinas ay nagtatangkang takpan ang mga umano’y iligal na aksyon nito sa rehiyon at nagpapalala lamang ng tensyon sa pamamagitan ng “military provocations” at “media hype.”

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Padilla, na hindi aniya expansionist ang mga Pinoy at hindi nakikialam sa teritoryo ng ibang bansa.

Tinalakay din ni Padilla ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na tumanggi sa malawakang pag-aangkin ng China sa WPS at kinikilala ang mga karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) nito. Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay nais lamang na ipinagtatanggol ang EEZ nito at muling sinabi, ”Hindi po tayo nag-e-expand sa iba pang lugar.”

Ang WPS ay ang mga karagatang nakapalibot sa Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal), at bahagi ito ng EEZ ng Pilipinas.

Sa kabila ng desisyon, patuloy na iginiit ng China ang mga karapatan nito sa rehiyon at tinawag na ”illegal” at ”invalid” ang desisyon ng 2016 rulling.

Matatandaan noong Miyerkules, isinagawa ng Pilipinas, Estados Unidos, at Canada ang ika-7 Multilateral Maritime Cooperative Activity, isang pinagsanib na military exercises na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa Southeast Asian nation’s exclusive economic zone.

Mababatid na binanggit ni AFP Chief General Romeo Brawner Jr. na layunin ng mga pagsasanay na ito ang pagpapakita ng sama-samang pangako upang suportahan ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.

Iniulat din ng AFP na namonitor nila ang presensya ng mga sasakyan ng China habang isinasagawa ang mga pagsasanay, kabilang na ang tatlong barko ng People’s Liberation Army Navy, isang oceanographic surveillance ship, at isang helicopter.