-- Advertisements --

Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) malaking tulong ang isinagawang multilateral maritime cooperative activity (MMCA) para mapalakas pa ang seguridad sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Kasama ng Pilipinas ang mga kaalyadong bansa gaya ng Canada at Estados Unidos sa isinagawang maritime activities

Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., ang aktibidad na ito ay nagpapakita ng commitment ng AFP na pahusayin ang regional stability at maritime security ng hukbo habang ito’y magpapalakas rin aniya ng interoperability at magpapanatili ng seguridad sa Indo-Pacific Region.

Sa nasabing exercise nakilahok ang iba’t-ibang naval at air units mula sa tatlong bansang kalahok sa MMCA kung saan nag-deploy ang AFP ng BRP Andres Bonifacio (PS-17), Beechcraft King Air C-90 patrol aircraft, at mga search-and-rescue assets mula sa AFP.

Nag deploy din ang Canada ng HMCS Ottawa (FFH-341), habang ang Estados Unidos naman ay nakibahagi sa pagpaplano at pagmamanman ng aktibidad.

Ibinida sa ika-7th MMCA ang iba’t-ibang mga serye ng operational exercises na nakatuon sa pagpapabuti ng koordinasyon at interoperability gaya ng communication check exercises (COMMEX), division tactics (DIVTACS), photo exercise (PHOTOEX), at expandable mobile anti-submarine training target exercise (EMATTEX).

Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na ang pinakabagong maritime drills ay nagpapatibay sa patuloy na komitment ng mga kalahok na bansa na palakasin ang kooperasyon para sa kapayapaan at katatagan sa West Philippine Sea.

Matatandaan na ang MMCA exercises ay nagsimula noong Abril 2024, na bahagi ng isang patuloy na pagsisikap upang tiyakin ang seguridad sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Ang mga nakaraang exercise ay isinagawa noong Hunyo, Agosto, Setyembre, at Disyembre 2024, at ang ika-6 na exercise ay naganap noong Pebrero 5 ng taong 2025.