CAGAYAN DE ORO CITY – Umapela ang Philippine Army sa national government na buhusan pa ng mga programang pangkabuhayan ang mga residente sa Mindanao partikular ang ilang probinsya na pinagtataguan ng mga teroristang grupo katulad ng Abu Sayyaf.
Ito ay kung gusto ng pamahalaan na mabawasan kung hindi man tuluyang mapigil ang paghahasik ng kaguluhan ng mga terorista kung saan direktang apektado ang mga inosenteng sibilyan at ang ekonomiya sa pangkalahatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, commanding general ng Philippine Army, ang komprehensibong economic programs umano ang dapat maipaabot sa mga kapus-palad na mga residente na “prone” sa mga ideolohiya ng mga terorista o mga rebeldeng grupo upang mag-alsa laban sa estado.
Inihayag ng heneral na mahirap mapigilan ang mga pag-alsa kung wala namang mga programang sasalo sa mga taong na-brainwash ng mga kaaway ng gobyerno.
Ilang araw na ang nakalilipas nang maaresto ng militar ang mga terorista na kasapi ng Indonesian terror group na sina Rezky Fantasya Rullie alyas Cici, India Nurhaina na asawa ni ASG sub-leader Ben Tatoo, at Fatima Sandra Jimlani.