Wala umanong namo-monitor na anumang banta ang militar sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27.
Pahayag ito ni AFP-Joint Task Force NCR Commander, BGen. Alex Luna bago pa man mag-umpisa ang dialogue sa pagitan ng mga otoridad at community leaders bilang parte ng mga paghahanda para sa SONA ng Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director MGen. Debold Sinas na 50 opisyal lamang ang makakapasok sa Batasang Pambansa sa mismong araw ng SONA.
Aniya, mas magiging mahigpit umano ang seguridad para matiyak na ang mga otorisado lamang na dadalo ang makakapasok sa okasyon.
Papayagan din ang mga rally pero kailangan nilang magsuot ng face mask at dapat na tumalima sa social distancing protocols.
Tiniyak din ni Sinas na wala ring ilalagay na barbed wire sa daraanan ng mga magpo-protesta sa SONA ng Pangulo.
“Wala na ‘yung usual na maraming opisyales ng gobyerno na mga bisita na p’wedeng papasukin. At dahil lahat tayo ang obligadong magsuot ng facemask ay parang ibang iba na tayo. Hindi na usual kasi nakatakip ang mukha natin,” wika ni Sinas.
“Dito po ay mas lalo naming paiigtingin ang seguridad dahil may ibang tao na kapag nagsuot ng mask ay mahirap nang kilalanin.”
“At sa labas ng Kongreso naman, umaasa kami na mas kaunti ang mga nasa kalsada na magpahayag ng kanilang saloobin, sumusuporta man sila o hindi,” dagdag nito.