-- Advertisements --

Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang natatanggap na opisyal na mga ulat tungkol sa pagkakaaresto ng tatlong pilipino na hindi umano’y sangkot sa isang espionage sa China.

Ani AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang hanay at panig ng AFP ay walang natanggap na kahit anong impormasyon o ulat mula sa mga otoridad tungkol sa naturang insidente.

Aniya, hindi nila makumpirma sa ngayon kung talagang may kaugnayan nga ba sa AFP Intelligence Service ang hindi umano’y handler ng tatlong pinoy na kasalukuyang nakapiit sa naturang bansa.

Dagdag pa niya, hindi rin aniya nakakatanggap ng opisyal na impormasyon na ito ang mga partikular na claims ng China o ng kahit anumang institusyon at ahensya.

Mariing itnanggi rin ni Trinidad ang mga ulat tungkol sa Philippine Intelligence Agency dahil aniya wala namang ganitong ahensya sa bansa.

Samantala, ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), prayoridad ngayon ng ahensya na protektahan ang mga karapatang pantao at maging ang interes ng tatlong Pilipino na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad ng China.

Sa ngayon ay patuloy na naka-close monitor ang mga ahensya ng Pilipinas sa sitwasyon ng tatlong Pinoy kung saan nauna nang kinondena ng National Security Council (NSC) na ang mga naging pag-amin ng mga pilipino ay halatang scripted at hindi isang malayang pamamahayag ng katotohanan.