-- Advertisements --

Walang nakuhang impormasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong inilabas na video ang bandidong Abu Sayyaf kaugnay sa pagpugot sa ulo ng German hostage na si Jurgen Kanther.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo na wala silang napanood na video ukol dito kaya mahirap umano sa kanila magbigay ng reaksyon.

Una rito, kumakalat sa social media ang umano’y video kung saan ipinapakita ng bandidong Abu Sayyaf ang pagpugot nila sa ulo ng German hostage.

Inilabas ng bandidong Abu Sayyaf ang umanoy video na kanilang pinupugutan na ng ulo ang Aleman bihag bilang patunay na hindi sila nagbibiro sa kanilang banta.

Kahapon ang deadline na itinakda ng ASG at kapag hindi nagbayad ng ransom ang mga kaanak ni Kanther ay pupugutan nila ng ulo.

Sa kabilang dako, ayon naman kay Joint Task Group Sulu Commander Col. Cirilito Sobejana na wala silang na-monitor na may lumabas na video at wala din umano nagre-report sa mga tropa niya sa field na may kumakalat na video sa social media.

Inihayag din ni Sobejana na kaninang umaga may nakuha siyang report na inextend ang itinakdang deadline ng ASG sa February 28 imbes na kahapon.

Nakuha ng militar ang nasabing mula sa mga sibilyan na kanilang nakausap sa lugar subalit hindi ito official report.

Pero giit ni Sobejana na hindi sila naniniwala sa nasabing report hanggat wala silang pinanghahawakan na konkretong ebidensiya.

Pagtiyak ng opisyal na walang tigil ang ginagawa nilang search and rescue operation.

Pahayag naman ni AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla na ang video ay hindi sapat na basehan para makumpirma na pinugutan ng ulo ang bihag na Aleman.

Apela ng militar sa publiko na huwag ng idignify ang video sa pamamagitan ng panonood dito.