-- Advertisements --

Walang nasasagap na report ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa presensiya ng nasa 1,200 ISIS operatives sa bansa.

Lumabas kasi sa report na kinumpirma umano ni Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu ang presensiya ng nasa 1,200 ISIS operatives sa Pilipinas.

Sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na wala silang nakukuhang report ukol dito lalo na sa nasabing bilang.

Una nang inamin ng militar na may na-monitor silang mga banyagang terorista na kasama ngayon ng Maute terror group pero hindi nila masabi ang eksaktong bilang nito.

Batay sa mga nagsilabasang report nasa 30 hanggang 40 na mga foreign terrorists ang nasa bansa ngayon.

Sinasabi pa ng militar na meron na raw ilang dayuhang terorista pa ang napatay sa bakbakan sa Marawi City.

Sa kabilang dako, ayon naman kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, batay sa kanilang nakuhang impormasyon nasa 30 hanggang 35 lamang na mga foreign terrorists ang nasa bansa pero patuloy pa rin itong bina-validate ng militar.