-- Advertisements --

BOI

Nagkasundo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na bumuo ng Board of Inquiry (BOI) para tutukan ang madugong shooting incident na ikinasawi ng dalawang army officers at dalawang enlisted personnel.

Kapwa bubusisiin ng militar at pulisya ang kani-kanilang operational procedure para maiwasan ang kahalintulad na insidente na itinuturing naman ng PNP na isang isolated case.

Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, layon ng pagbuo ng BOI ay para matukoy ang operational lapses at kung paano pa ma-improve ang kanilang operational procedure.

Kaninang umaga, nagtungo sa Camp Crame si AFP Inspector General Major General Franco Nemecio Gacal para makipagpulong kay PNP Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo para pag-usapan ang organizational matters sa pagbuo ng BOI na sabay ilulunsad ng AFP at PNP.

Siniguro naman ni Gamboa na mananagot ang dapat managot sa pagpatay sa apat na sundalo.

Samantala, Matapos ang madugong pagpatay sa apat na sundalo, agad naman nagsagawa ng review ang pamunuan ng Western Mindanao sa kanilang protocol lalo na sa kanilang intelligence operation.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, kanilang binusisi muli ang kanilang tactical and operational procedures.

Sa ngayon, kapwa hinihintay ng AFP at PNP ang resulta ng imbestigasyon ng NBI ng sa gayon mabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng apat na sundalo.

Siniguro naman ni Sobejana on track pa rin ang pagtugis ng militar sa dalawang babaeng suicide bombers na nakatakas.

Gagawin nila ang lahat para mapigilan ang anumang planong pagsabog muli sa probinsiya.

Ayon sa heneral paranoid na ang mga Suluano sa mga insidente ng pagsabog.