Pinangunahan nina PNP chief Gen Camilo Cascolan at AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay ang National Joint Peace and Order Council Meeting sa Kampo Crame.
Una nang sinabi ni Cascolan na kabilang sa kanilang tatalakayin sa pulong ay ang nangyaring Jolo suicide bombing at ang madugong Jolo shooting incident na ikinasawi ng apat na army officers.
Siniguro ni Cascolan na palalakasin pa nila ang kanilang relasyon at koordinasyon sa AFP lalo na sa law enforcement operations.
Giit ni Cascolan, ayaw na nila mangyari pa ang insidente na kahalintulad sa Jolo fatal shooting.
Sa nasabing pulong lumagda rin ang AFP, PNP sa Joint Resolution na nagdedeklara sa communist guerilla fronts na humina at nabuwag na ng security sector.
Bukod sa pagdedeklarang mahina na ang communist guerilla fronts, pumirma rin ang mga pinuno ng AFP at PNP ng guidelines.
Ito ang guidelines in Evaluating the Effectiveness of Internal Security Operations in Support to the National Thrust to End Local Communist Armed Conflict”.
Nagpasalamat naman si PNP chief sa AFP dahil sa patuloy na suporta para ma-eliminate ang communist insurgency sa mga probinsya na may mga presensya ng New People’s Army.
Inihayag din ni Cascolan ang kahalagahan ng JPSCC meeting na nagpapalakas sa relasyon ng PNP at AFP para magtulungan sa anti-insurgency at anti-terrorism operations sa Mindanao.