Pinag-aaralan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang paghahain ng kaso laban kay Communist Party of the Philippines o CPP Founding Chair Jose Ma. Sison.
Kasunod ito ng kaniyang pahayag at banta na magpakalat muli ng SPARU unit ng New People’s Army (NPA) para itumba ang mga opisyal at kawani ng gubyerno maging ang mga nasa unipormadong hanay sa mga urban areas.
Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, mahigpit nilang binabantayan kung ano ang magiging epekto ng mga pahayag ni Sison.
Sinabi ni Sinas, nakipag ugnayan na siya sa kanilang Legal Team kung anu anong kaso ang kanilang ihahain laban kay Sison at agad nila itong idideretso sa Korte.
Inalerto rin ni Sinas ang lahat ng kanilang mga tauhan sa buong bansa na palakasin pa ang monitoring, maging mapag matyag at mag ingat sa anumang pag-atakeng ilulunsad ng mga umanoy liquidation squad.
Samantala, tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi magtatagumpay ang NPA sa kanilang balak na maglunsad ng mga pag atake lalo na sa mga urban areas.
Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo na paiigtingin pa nila ang kanilang intelligence monitoring laban sa umanoy ipinakalat na liquidation squad ng NPA.
Sinabi ni Arevalo, ang nasabing pahayag ni Sison ay kinukunsidera ng militar na isang terroristic act dahilan na siniseryoso ito ng militar.
Aniya, ang pagdeploy ni Sison ng mga assasination squad ay kagagawan talaga ng isang teroristang grupo.
Gayunpaman, ayon kay Arevalo sa ngayon wala pa silang namomonitor na presensiya ng mga liquidation squad sa Metro Manila.
Naniniwala si Arevalo na desperado na ngayon ang grupo ni Sison kayat nais pa rin nila ipakita na may kakayahan pa silang makipaglaban sa pamahalaan.