-- Advertisements --

ILOILO CITY – May paglilinaw ang Bureau of Animal Industry (BAI) hinggil sa African swine flu na posibleng makaapekto sa mga baboy sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. John Roel Hilario ng Regional Veterinary Quarantine Office VI ng BAI, sinabi nito na ang African swine flu ay makakaapekto lamang sa baboy at hindi ito nakakahawa sa mga tao.

Ayon kay Hilario, malaking dagok para sa gobyerno sakaling umabot sa Pilipinas ang nasabing virus dahil 100% na maapektuhan ang livestock industry ng bansa.

Kabilang sa mga sintomas ng African swine flu ay ang pagkawala ng gana sa pagkain, panghihina ng katawan, lagnat, ubo, diarrhea at pag-iba ng skin color ng alagang baboy.

Sa ngayon ayon kay Hilario, may inilatag na na estratihiya ang ahensya sakaling makapasok sa bansa ang African swine flu.

Ang nasabing hakbang ay tinatawag na BABES na nangangahulugang “Ban of pork import, Avoid Feeding, Block international airports and seaports, Educate the public, Submit samples.”

Napag-alaman na ipinagbawal muna ng Department of Agriculture (DA) ang pag-import ng canned meat kagaya ng Ma Ling, dahil na rin sa nasabing isyu.