“Wala pa kaming nakitang anomalya.”
Ito ang iniulat ngayon ng grupong Legal Network for Truthful Elections (LENTE) makalipas ang 10 araw na ginagawang random manual audit (RMA) sa mga balota na ginamit sa nakalipas na May 13 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Rona Ann Caritos, ang executive director ng LENTE, sinabi nito na nangangalahati na sila mula sa 715 na mga balota mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kanilang mano-mano na ina-audit.
Kasama nila sa pagbusisi sa mga balota ang Philippine Institute of Certified Accountants at mga teachers sa Diamond Hotel sa lungsod ng Maynila.
Sa pagtaya ni Caritos, posibleng sa Hunyo 8 ay matapos na nila ang RMA pero baka abutin pa raw ng isang buwan bago naman nila isapubliko ang detalyado at kompletong report.
Sa huli makakatulong nila sa paghahanda ng audit ang Philippine Statistics Authority (PSA).
Kahit Sabado at Linggo ay puspusan din ang mano-manong ginagawa na RMA.
Si Comelec Commissioner Luie Tito Guia, ang head ng Random Manual Audit (RMA) ng Comelec ay nagpaabot naman nang pagbati at papuri sa sakripisyo na ginagawa ng mga volunteers kahit weekend para lamang matapos ang RMA.
“Those involved in the RMA are still at it, trying to finish what they can for today. They will be back … to audit as many sample precincts as possible. Eternally grateful to the volunteers from @lente_ph @COMELEC #RMA2019”
Sa ngayon ayon naman kay Atty. Caritos, wala pang kahina-hinala na natukoy sa mga election returns.
Muli rin nitong binigyang diin na ang mga naranasang pagpalya ng maraming vote counting machines at hindi gumanang mga SD cards noong araw ng halalan ay hindi ibig sabihin na merong anomalya.
“Wala pong malaking problema doon sa mga balotang nabubuksan natin. ‘Yon pong pagbibilang ng mga teachers natin manually ng mga balota natin ay tumutugma po doon po sa mga bilang ng mga makina na ginamit natin nitong Lunes,” ani Atty. Caritos sa Bombo Radyo.