-- Advertisements --
Lakers Lebron Anthony Davis
Lakers LeBron and Davis (photo from @Lakers)

Inabot din ng isang dekada bago nakabalik sa Western Conference finals ang Los Angeles Lakers  matapos ilampaso sa Game 5 ang Houston Rockets, 119-96 sa ginanap na laro sa Walt Disney World Complex sa Florida.

Mala-halimaw ang pagdomina ng Lakers superstar LeBron James sa laro kung saan ipinoste ang 29 puntos, 11 rebounds at seven assists sa kanyang all-around game para tapusin ang serye nila sa Rockets, 4-1.

Kung maalala ang Game 1 ay na-upset ng Rockets ang LA.

Nanguna si James sa walang humpay na pag-atake sa depensa ng Rockets na hilig ang matinik nilang small-ball offense.

Pero hindi ito umubra at sinabayan pa nang taktika ng Lakers kung saan ipinasok si Markieff Morris bilang sentro sa starting five sa halip na ang big man na si JaVale McGee.

Rumesponde naman si Morris sa hamon na may kabuuang 16 points at walang paltos sa three point shots gamit ang 4-for-4.

Hindi nakayanan ng Rockets ang pag-ulan ng three point shots nang tumabo ang Lakers sa 19-for-37 kumpara sa 13-for-49.

Mula umpisa agad na umarangkada ang Lakers pero humabol ang Rockets upang dikitan ang score at nahabol pa ang 22 points lead ng Lakers sa first quarter.

Pero pagkatapos ng third quarter ay hindi na lumingon pa ang Lakers at tuluyan nang ibinulsa ng mas maaga ang best-of-seven series.

Inabot lang ng 30 minutos sa paglalaro si LeBron at ang natitirang mahigit limang minuto ay ipinaubaya na niya sa mga teammates.

Aminado si LeBron na malaki ang inaasahan sa kanya ng mga fans upang dalhin muli sa kampeonato ang koponan.

“Getting this franchise back to competing for a championship, which we’ve done all year,” ani 35-anyos na si James. “It’s the reason I wanted to be a part of this franchise.”

Ang iba pang umeksena sa opensa ng Lakers ay sina Anthony Davis na may 13 points at 11 rebounds at si Kyle Kuzma na nagpakita ng 17 points mula sa bench.

Samantala, labis naman ang panghihinayang ni James Harden na nagtapos sa 30 points kaugnay sa kanilang kampanya ngayong season na minalas ulit.

“it’s very frustrating especially the amount of work individually I put in,” wika pa ng dating NBA MVP.

HARDEN

Batay naman sa kasaysayan noong huling umakyat sa conference finals ang Lakers taong 2010, kasama pa noon si Kobe Bryant kung saan umabot pa sila sa kampeonato nang talunin ang Celtics sa finals.

Sa ngayon mag-aantay muna ang Lakers kung sino ang kanilang haharapin kung matapos na ang Clippers-Nuggets series.

Abanse ngayon ang Clippers sa serye, 3-2 kung saan ang Game 6 ay gagawin bukas.