-- Advertisements --

ILOILO CITY – Matagumpay na nadakip sa Iloilo City ang most wanted South Korean scammer na halos isang dekada nang pinaghahanap ng INTERPOL (International Criminal Police).

Ito ay kinilalang si Park Kyounghyoun, 53-anyos na pansamantalang naninirahan sa isang boarding house sa West Timawa, Molo, Iloilo City, kung saan ito naaresto.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay CIDG (Criminal Investigation and Detection Group)-Iloilo field unit commander Police Major Jess Baylon, sinabi nito na most wanted fugitive ng INTERPOL-South Korea si Park.

May arrest warrant na inilabas laban dito ang Seoul Central District Court dahil sa kasong fraud kung saan mayroong 32 complainants ang ninakawan nito ng perang umaabot sa P416 million.

Ayon kay Baylon, ang modus na nasabing South Korean ay nagpapanggap itong gold miner at naglilibot ito sa iba’t ibang panig ng mundo upang hikayatin ang kanyang mga biktima na mag-invest kapalit ng ginto.

Matapos aniyang napadpad sa Iloilo si Park, namulubi ito dahil din sa pagsusugal kung saan humihingi na lang ito ng pagkain sa kanyang kapitbahay.

Sa ngayon, pinoproseso na ng CIDG na i-turnover ang nahuling dayuhan sa Korean National Police Agency o Korean National Police para sa nararapat na disposisyon.