Sumadsad sa pinakamababang lebel sa loob ng 18 taon ang presyo ng krudo ng Estados Unidos bunsod pa rin ng epekto ng coronavirus pandemic.
Sa pinakahuling datos, pumapalo na lamang sa halos $20 kada bariles ang presyo ng langis dahil sa napakalaking pagbaba ng demand sa produkto.
Ito na ang pinakamababang intraday price na naitala mula noon pang Pebrero 2002.
Ang US oil benchmark, na kilala rin bilang West Texas Intermediate, ay nakapagtala lamang ng $19.85 kada bariles, na mababa ng mahigit 7%.
Habang ang international benchmark naman na Brent ay nawalan ng halos 13%, rason para mairehistro ang $21.76 na lamang kada bariles.
Nangangamba naman ang mga traders at analysts na posibleng bumaba rin ang konsumo sa krudo sa mga susunod na buwan dahil sa malawakang mga lockdown sa Amerika. (CNN)