Sa ilang mga paaralan at lugar ng pagsamba muna pansamantalang tutuloy ang nasa 3,000 residente mula sa Democratic Republic of Congo na lumikas matapos ang pagputok ng Mount Nyiragongo ngayong araw ng Linggo.
Batay sa impormasyon, umabot pa sa kilalang airport sa Congo ang ibinungang lava ng nasabing bulkan na tila ba makapal na kulay pulang ulap.
Suwerte naman na agad nagsilikas ang mga residente bitbit ang ilan sa kani-kanilang gamit bago pa man mag-utos ang gobyerno.
Nabatid na maging ang suplay ng kuryente sa ilan pang malalaking lugar ay naputol, at nakapagtala rin umano ng paglindol.
Nitong May 10 nang magbabala ang Goma Volcano Observatory hinggil sa tumaas na “seismic” activity ng Nyiragongo Volcano.
Sa ngayon ay kumalma na ang Mount Nyiragongo pero nahati ang mga nagsilikas sa Rwandan border at sa iba pang matataas na lugar sa bayan ng Goma kung saan mayroong dalawang milyong populasyon.
Sa panig ni Communications Minister Patrick Muyay, inihayag nito na nagdaos ng emergency meeting sa kabisera na Kinshasa ang kanilang prime minister para talakayain ang nararapat na “urgent measures.”
Taong 2002 nang huling sumabog ang bulkan na nasa 10 kilometro ang layo mula sa Goma. Nag-iwan ang insidente ng 250 kataong patay habang tinatayang 120,000 ang nawalan ng bahay.
Isa ang Mount Nyiragongo sa pinaka-aktibong bulkan sa buong mundo ngunit sinasabing hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ng Goma Volcano Observatory.
Ito’y dahil daw sa natigil na pagpondo ng World Bank bunsod ng isyu sa korupsyon. (BBC)