(Update) BACOLOD CITY – Makalipas ang mahigit 24 oras, nabawi na ng Yanson matriarch at bunsong anak na chief executive officer at president ng Yanson Group of Bus Companies na si Leo Rey Yanson ang main office ng Vallacar Transit Inc. sa Ceres Road, Purok Himaya, Barangay Mansilingan, Bacolod City.
Ito ay matapos ma-install muli ng Regional Civil Security Unit-6 ang orihinal na mga security guards na pinaalis ng appointed president na si Roy Yanson noong Hulyo 10.
Dahil nagmatigas ang apat na magkapatid na tanggapin ang Armored Guards Negros Security Agency (AGNSA), napilitan ang mga pulis na gumamit ng lakas upang makapasok sa main shop ng bus company.
Binutasan ng mga pulis ang isang bahagi ng pader kaya’t nakapasok ang mga ito, pati ang mga gwardiya.
Hinarangan kasi ng dalawang truck ang main gate kaya’t hindi mabubuksan.
Sa ngayon, nakapwesto na ang 60 guards sa loob ng Ceres compound alinsunod sa utos ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA), at nagbabantay din ang mga pulis sa labas.
Isinagawa rin ang clearing operations sa compound kung saan hinila ng payloader ang dalawang truck na nakaharang sa main gate upang mabuksan na ito.
Pinatibay kasi ito ng mga empleyado kahapon sa pamamagitan ng pag-welding dito.
Hindi pa nagbibigay ng statement sa media ang appointed president na si Roy at ang kanyang tatlong kapatid na nasa compound dahil nagtatago ang mga ito.
Nagsiuwian na rin ang mga empleyado sa maintenance department, shop at opisina matapos idineklara ni Leo Rey Yanson na paid holiday sa lahat ng mga empleyado sa main office ang August 9.
Ibig sabihin, may sahod pa rin ang mga ito kahit hindi sila magtratrabaho.
Kaninang madaling araw gumamit na rin ang mga pulis ng tear gas ngunit walang lumabas sa main gate.
Nagbanta rin na gagamit umano ng water cannon ang mga otoridad laban sa mga empleyado at gwardiya na nagmamatigas sa shop ng Ceres.
Kahapon, na-deliver sa main shop ang maraming boxes ng pagkain, bigas, tubig at iba pang basic commodities bilang paghahanda ng mga empleyado na manatili sa loob.
Matandaang nitong nakalipas na Miyerkules, napilitan si Roy Yanson na lumabas sa Bacolod South Terminal dahil hindi pinayagan ng mga pulis ang pagpasok ng pagkain kaya’t hindi siya nakakain at sumama ang pakiramdam.