Pasok na sa NBA finals ang Phoenix Suns matapos na itumba sa Game 6 ang karibal na Los Angeles Clippers sa score na 130-103.
Makasaysayan ang pagpasok ng Phoenix dahil huli itong nakatuntong sa NBA finals noon pang taong 1993 o eksaktong 28 taon ngayon.
Ang panalo ng Suns ay nagkorona rin sa kanila bilang kampeon sa Western Conference finals.
Doble kayod ang ginawa ng Phoenix lalo na at delikado ang Clippers bunsod na gumaganda ang inilalaro sa pangunguna ni Paul George.
Ito ay sa kabila na hindi pa rin nakakabalik sa game ang two-time Finals MVP na si Kawhi Leonard.
Sa pagkakataong ito hindi na tinantanan ng Suns ang halatang pagod na rin na Clippers sa kanilang opensa.
Sa huli tinambakan ng Suns ang kalaban ng 27 puntos na nagpatigil sa ingay ng mga LA fans.
Kung maalala dalawang taon na ang nakakalipas ay isa sa worst team ang Suns pero bumangon ito at nagpalakas ng players.
Isa sa veteran player ng Phoenix ay ang 36-anyos na si Chris Paul na hanggang ngayon ay hindi pa nakakatikim ng first ever finals appearance.
Walang humpay sa kanyang all-around game si Paul na kumamada ng 41 points, 4 rebounds at 8 assists.
Ang kanyang 31 puntos ay ibinuhos sa second half laban sa kanyang dating team na Clippers kung saan inabot din siya ng anim na season.
Aminado si Paul na sa tindi ng kanyang dinaanan kabilang na ang hindi paglalaro sa unang dalawang games sa conference finals dahil sa pagiging COVID-19 positive ay labis ang kanyang emosyon.
“I was on a don’t-lose mission,” pag-amin pa ni Paul.
Muli namang nagpakitang gilas si Devin Booker na nag-ambag ng 22 points para dalhin ang Suns sa ikatlong NBA Finals appearance pero hindi pa nakakasungkit ng korona.
Kung maalala bago pa man ang playoffs ang Suns ang No. 2 sa best record sa liga.
Nagawa nilang idispatsa ang NBA defending champion na Los Angeles Lakers sa first round habang na-swept naman nila ang Denver sa semifinals.
Para naman kay Paul George na may 21 points, kung nakapaglaro lang sana si Leonard ay baka nag-iba ang timpla ng kanilang kampanya.
“You are talking about one of the best players being out and we are inches from being to the next round,” giit pa ni George.
Samantala, haharapin ng Suns sinuman ang mamayani sa huli sa Eastern Conference finals sa pagitan ng Atlanta Hawks at Milwaukee Bucks na tabla ngayon ang serye sa 2-2.