BAGUIO CITY – Arestado sa Tabuk City, Kalinga ang isang national-listed at regional-listed most wanted person ng Cordillera matapos ang pagtatago nito mula sa batas sa loob ng higit apat na dekada.
Nakilala itong si Jaime Tochok Bulatao, 77-anyos at residente ng Butbut Proper, Tinglayan, Kalinga.
Ayon kay PCol. Davy Vicente Limmong, direktor ng Kalinga Police Provincial Office, si Bulatao ay may patong sa ulo na P75,000.
Aniya, nahuli si Bulatao matapos isilbi ng mga operatiba ng ibat-ibang yunit ng pulisya sa Cordillera ang mga warrants of arrest nito.
Nahaharap si Bulatao sa kasong multiple frustrated murder na may piyansang P200,000 at kasong murder na walang piyansa.
Batay sa record, suspek si Bulatao sa pagpatay kay Tinglayan, Kalinga Mayor Alexander Alngag noong 1976 at suspek din ito sa pagtambang kay dating Rizal, Kalinga Mayor Marcelo Dela Cruz noong 2008.