Dumating na sa bansa ang Philippine Navy contingent matapos ang limang buwang humanitarian mission sa Middle East.
Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang arrival at welcome ceremony para sa mga sailor, marines at reservist, na bumubuo sa Naval Task Force 82 sa dalawang barko ng navy na BRP Ramon Alcaraz (PS16) at BRP Davao del Sur (LD602).
Dumalo rin sa seremonya sina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff, Gen. Felimon Santos Jr., AFP vice chief and commander of Joint Task Force (JTF)-Pagpauli, Vice Adm. Gaudencio Collado Jr., Navy flag officer in command at Vice Adm. Giovanni Carlo Bacordo.
Ayon sa kalihim, hindi biro ang napagdaan ng mga tropa sa kanilang limang buwan na misyon.
Katunayan kahit pauwi ng Pilipinas ang dalawang barko, nagkaroon ng aksidente at nasunog ang engine room ng BRP Ramon Alcaraz kung saan dalawa sa mga personnel nito ang nagtamo ng sugat at sunog sa katawan pero ngayon ay magaling na.
Misyon ng dalawang barko ay para tulungan ang mga kababayan natin na i-relocate sa mas ligtas ng lugar sa gitna ng namumuong tensyon sa pagitan ng US at Iran dahil sa pagkamatay ng top Iranian general na si Qasem Soleimani.
Nang humupa ang tensyon sa Middle East, pabalik na sa Pilipinas ang dalawang barko, pero naabutan naman ng coronavirus outbreak.
Samantala, pinuri ni Lorenzana ang mga tropa dahil matagumpay nitong nakamit ang kanilang misyon sa kabila ng malaking pagsubok sa biyahe.
Patunay din daw ito na pinahahalagahan ng gobyerno ang mga overseas Filipino workers.
Si Col. Noel Beleran ang commander ng NTF 82 na idineploy sa Middle East noong January 2020 bilang suporta sa JTF Pagpauli para sa repatriation ng mga Pinoy workers.
Bahagi rin ng misyon ng mga tropa ang pag-transport ng mga donasyong face mask at ang repatriation ng mga stranded Filipinos dahil sa travel restrictions dulot ng deadly virus pandemic.
Naging daan din ang misyon ng dalawang navy vessel para palakasin pa ang diplomatic ties ng Pilipinas sa Oman, Sri Lanka at India sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang mga counterpart.
Siniguro naman ng NTF 82 na “coronavirus free” ang sakay nilang mga Filipino repatriates at ang lahat ng crew ng dalawang navy vessel.