-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Kumplikasyon umano sa puso ang dahilan nang pagpanaw ni dating Negros Occidental Governor Alfredo Marañon Jr.

Sa statement ng pamilya ng dating gobernador, pumanaw si Marañon sa Riverside Medical Center dakong alas-11:38 kagabi sa edad na 84.

Dahil sa coronavirus pandemic, iaanunsyo ng pamilya ang schedule ng virtual gathering.

Umaasa naman ang pamilya Marañon na sana respetuhin ito ng publiko.

Si Marañon ay nagsilbi sa politika sa loob ng 53 taon.

Nagsimula ito bilang konsehal ng Sagay City, Negros Occidental, naging bise alkalde at alkalde, assemblyman, nagbalik sa pagkaalkalde, naging congressman para sa second district ng Negros Occidental, at three-term governor ng lalawigan.

Siya ang pangatlong anak ng mga namayapa na ring sina Alfredo Espinosa Marañon Sr., ng Mandurriao, Iloilo City, at Salvacion Galicia Marañon ng Sagay City.

Siya ay kapatid ni dating Gov. Joseph Marañon at napangasawa si Dra. Marilyn Andres Dalisay-Marañon ng Looc, Romblon.

Anak din nito si Sagay City Mayor Alfredo Marañon III.

Ang termino ng dating gobernador ay nagtapos noon lamang nakaraang taon.