Bibiyahe na patungong PBA Philippine Cup Finals ang TnT tropang Giga matapos ang 91-81 paglampaso sa Phoenix sa dikdikang do-or-die game na ginanap sa Angeles University Foundation gym.
Nagtulong-tulong sina Bobby Ray Parks, Jayson Castro at Roger Pogoy para pangunahan ang nakakasulasok na depensa at nag-iinit na opensa ng TNT, na maglalaro sa All-Filipino Conference sa unang pagkakataon mula noong 2012-13 season.
Muling namayagpag sa hanay ng Tropang Giga si Parks na nagpakawala ng double-double na 26 points at 10 rebounds.
Nagdagdag ng tig-11 puntos sina Pogoy at Castro, habang nag-ambag din sina Simon Enciso at Jay Washington ng pinagsamang 23 points.
Sumandal sa opensa nina Enciso at Washington ang TnT sa first half, na sinalo naman nina Parks, Castro at Pogoy hanggang sa nalalabing bahagi ng laban.
Dahil sa diskarte ng Tropang Giga, hindi nakaporma ang Fuel Masters kaya nabigo silang baligtarin ang laro pabor sa kanila.
Kinarga ni Calvin Abueva ang Phoenix na nagtapos na may 23 points, 13 rebounds, at anim na assists.
Narito ang mga iskor:
TnT (91) — Parks 26, Enciso 12, Washington 11, Pogoy 11, Castro 11, Erram 9, Carey 4, Montalbo 3, Rosario 4, Reyes 0.
Phoenix (81) — Abueva 23, Wright 13, Perkins 11, Chua 9, Jazul 8, Heruela 7, Rios 6, Mallari 4, Garcia 0.
Quarterscores: 25-20; 40-34; 62-53; 91-81.