Nagbunyi ang Orlando Magic nang tumunog ang buzzer sa pagtatapos ng fourth quarter, hudyat na hindi pa tapos ang kanilang season.
Umiskor ng 26 points si Terrence Ross, na dinagdagan ni Nikola Vucevic ng 25 points at 12 rebounds para akayin ang Magic tungo sa 116-108 panalo kontra sa Boston Celtics.
Ito ang unang beses na nakausad sa postseason ang Orlando mula noong 2012, o makalipas ang pitong taon.
“It’s an amazing feeling. Nobody knows what I’ve been through in the last six years here, just through all the losing, the struggling, the doubting,” wika ni Vucevic.
Samantala, kahit naman bigong magwagi, nadagit ng Celtics ang fourth seed at home-court advantage sa unang round ng playoffs.
Kumamada ng 23 points si Kyrie Irving para sa Boston, na nakahugot din kina Al Horford ng 18 points, at Gordon Hayward ng 16 mula sa bench.
Binura ng Magic ang kanilang 13-point deficit sa first half at itinakbo ang 83-78 lead pagpasok ng fourth quarter.
Sinimulan din nila ang huling yugto na may 11-2 bomba, kasama ang siyam na puntos mula kay Ross.
Bagama’t naitabla ng Boston sa 106 ang laro sa pamamagitan ng 3-pointer ni Irving, ipinagpatuloy pa rin ng Orlando ang kanilang opensa, dahilan para maiuwi nila ang panalo.