-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Habambuhay na makukulong ang suspek na pumatay sa konsehal ng Ilog, Negros Occidental, sa labas ng isang hotel sa lungsod ng Bacolod.

Sa promulgation ng kaso sa Regional Trial Court Branch 42 kaninang umaga, guilty si Ryan Gatoc ng Kabankalan City sa pagpatay kay Councilor Antonio Gequillana noong Hulyo 27 taong 2011.

Kaugnay nito, reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taon nag pagkakabilanggo ang sentensya ni Judge Fernando Elumba laban kay Gatoc.

Ang 40-anyos na si Councilor Gequillana ay binaril ni Gatoc habang papalabas sa East View Hotel sa Circumferential Road, Barangay Villamonte, Bacolod City.

May kausap sa cellphone ang konsehal at sasakay na sana sa kanyang pick-up nang nilapitan ni Gatoc at binaril.

Nang matumba ang konsehal sa sahig, binaril pa ito ulit ng suspek nang tatlong beses gamit ang .45 caliber pistol.

Ayon sa gwardiya na nakakita sa krimen, naghintay pa sa tapat ng hotel ang suspek bago lumabas ang konsehal at agad din itong tumakas lulan ng motorsiklo matapos ang krimen.

Makalipas ang isang linggo, nahuli si Gatoc na noo’y 24-anyos pa lamang matapos sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group operatives sa Kabankalan City.

Gayunman, hindi pa rin inaamin ni Gatoc kung sino ang nag-utos sa kanya na patayin ang konsehal.