Pinagpapaliwanag na ng Department of Tourism (DOT) ang City Garden Grand Hotel sa lungsod ng Makati kung bakit hindi dapat ito masuspinde dahil sa posibleng paglabag bunsod ng pagtanggap pa rin nito ng mga bisita “for leisure purposes” sa gitna ng pandemya.
Kung maaalala, sa nasabing hotel din natagpuang patay ang flight attendant na si Christine Dacera noong Bagong Taon.
Sa isang liham, inatasan ni DOT regional director Woodrow Maquiling Jr. ang pamunuan ng hotel na magpaliwanag kung bakit tumanggap pa rin sila ng mga guest kahit na ipinagbabawal ito sa mga establisyimentong ginagamit bilang quarantine o isolation facility.
“It has come to the attention of the DOT that the demise of a Philippine Airlines flight attendant allegedly occurred during a party held in your establishment on 31 December 2020. We understand based on reports that several individuals have checked-in or spent the evening in one of your rooms on the said date,” saad ng DOT.
Kung hindi aniya magbibigay ng eksplanasyon ang hotel, sinabi ng ahesya na maaari silang masuspinde o bawiin ang kanilang license to operate.
Sa ngayon, wala pang tugon ang pamunuan ng establisyimento tungkol dito.
Una rito, naisugod pa sa ospital si Dacera ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa ruptured aortic aneurysm.
Batay sa imbestigasyon ng Makati PNP, mayroong palatandaan na nagkaroon ng foul play sa pagkamatay ng biktima dahil sa nakitang sugat sa kanyang katawan.
Sinasabing nasa 11 indibidwal ang kasama ni Dacera bago ang insidente, kung saan tatlo ang nadakip na habang nananatiling at-large ang walong iba pa.