-- Advertisements --

Nakapagtala ang Vietnam ng unang locally-transmitted case ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng halos 100 araw.

Ayon sa mga otoridad, si “Patient 416” ay isang 57-anyos na retiradong lalaking Vietnamese sa siyudad ng Danang, at ang una rin daw na community transmission mula noong Abril 16.

Sa pahayag ng Ministry of Health, sumailalim na rin umano sa testing ang 105 indibidwal na nakasalamuha ng pasyente.

Batay sa report, ilang araw bago raw ito magpakita ng sintomas ng sakit ay kanya pa raw dinala ang kanyang ina sa isang ospital.

Inaalam pa rin sa ngayon ng mga health authorities kung papaano nahawaan ng virus ang pasyente, gayong mistulang nasupil na ng Vietnam ang coronavirus sa loob ng ilang buwan.

“The patient is currently on ventilator support due to respiratory failure,” saad sa pahayag.

“He didn’t go out of the city and only stayed at home to look after his grandchild and interact with neighbors, he didn’t make contact with strangers,” dagdag nito.

Patuloy na bumubuhos sa mga beach at restaurant sa Danang ang mga lokal na turista mula nang alisin na ng Vietnam ang ipinatupad nitong lockdown.

Bagama’t katabing bansa lamang nito ang China na pinagmulan ng COVID-19, nagtala lamang ng 416 kaso ng virus ang Vietnam, at walang napaulat na namatay bunsod ng sakit. (AFP)