NAGA CITY – Niyanig ng 5.5 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Southern Luzon nitong madaling araw.
Sa data ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman ang pagyanig pasado alas-4:52 ng umaga kung saan sentro nito ang Jomalig, sa Quezon province.
Mayroon itong lalim na 13 kilometers habang tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman din ang intensity IV sa Guinayangan, Quezon, Jose Panganiban, Camarines Norte habang intensity II sa San Juan City; Dolores, Quezon at Intensity I naman sa Gua-gua, Pampanga; Malabon City; San Ildefonso; Malolos, Bulacan; Talisay, Batangas; Palayan Nueva Ecija; Pasig City at Baler Aurora.
Dahil sa lakas ng lindol, naramdaman pa ang naturang pagyanig sa Camarines Sur at Naga City.
Samantala ayon sa Phivolcs, inaasahan naman ang mga aftershocks matapos ang pagyanig.