LEGAZPI CITY – (Update) Tatlong buwan matapos maramdaman ang malakas na lindol sa Masbate noong Agosto, hindi pa rin umano natatapos ang mga nararanasang aftershocks sa lugar.
Kinumpirma ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) volcanologist Paul Alanis sa Bombo Radyo Legazpi na bahagi pa ng aftershocks ang tumamang Magnitude 4.8 na lindol nitong madaling araw ng Lunes sa Cataingan.
May lalim itong 16 km at tectonic in origin habang naramdaman rin ang Intensity III sa Masbate City at Intensity II sa Irosin at Magallanes, Sorsogon.
Nakapagtala naman ng Instrumental Intensity III sa Masbate City; Intensity II sa Legaspi City at Intensity I sa Naval, Biliran; Palo, Leyte at Roxas City.
Inasahan na umano ang naturang pangyayari habang umaabot na rin sa higit 710 aftershocks ang naitala.
Nilinaw naman ni Alanis na mahina na ang mga nararanasang maliliit na lindol at madalang na rin ang frequency ng mga ito kung ihahambing sa mga nakalipas na buwan.
Paalala naman nito sa mga residente na manatiling alerto sa posibilidad ng ilang malalakas na pagyanig.
Nag-aadjust pa umano ang fault zone at may ilang parte ang naiipit na kung minsan ay bumibigay na nagdudulot ng paggalaw.