-- Advertisements --
Senator Sonny Angara at the Senate

Hindi umano makatuwiran at hindi sapat ang tatlong buwang phaseout period ang rekomendasyon ng Senate committee report na nanawagan para sa agarang pagpapasra ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, ayon kay Senador Sonny Angara.

Sa Chairman’s Report ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian, inirekomenda nito ang agarang pagpasa ng isang resolusyon na humihikayat sa Executive Department na ipahinto na ang operasyon ng POGO.

Subalit iginiit ni Angara na hindi sapat ang tatlong buwan para mapatigil na ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas, lalo na sa mga malaki na ang puhunan dito.

Aniya, mas rasonable kung maglalaan nang mas mahabang panahon para mapaalis ang mga POGO lalo na’t ang pamahalaan rin naman ang nag imbita na mamuhunan.

Inihayag pa ni Angara, dapat na magkaroon nang mas mahabang phaseout period para sa mga lehitimong POGO operator na nagbabayad ng buwis at employee benefits at naglagak na ng malaking puhunan.

“A longer period would be more reasonable or justified given it was also the government which invited them to invest in the first place,” ani Angara.

Sinang-ayunan ni Angara ang naunang sinabi ni Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito ang dalawa hanggang tatlong phaseout period para POGO para hindi naman ma-turn off ang mga potensiyal na mamumuhan sa bansa.

Nakasaad din sa committee report na ang Pilipinas ay pinaka-atraktibong opsyon para sa offshore gaming.

Binanggit pa sa report na batay sa isang pag-aaral noong 2018, bagama’t mas mura ang real estate ng Myanmar, Laos at Cambodia, wala naman silang mga magagarang mall, hotel at onsite casino hindi tulad ng Pilipinas.

Ang mga ito aniya’y dagdag atraksyon sa mga mayayamang turista.

Sa kabila ng rekomendasyon ng lusawin na ang POGO, tanggap naman ng Senate Ways and Means Committee na nakikinabang ang gobyerno sa industriya ito mula sa gaming tax, corporate and individual income taxes, value-added taxes, local government permits, at fees and charges.

Dagdag pa diyan ang demand para sa residential, office at commercial spaces, pag-usbong na kaanib na industriya tulad ng transportation, food, at hospitality, job creation para sa direct at indirect employees, at corporate gains sa PAGCOR at CEZA na nag-iisyu ng lisensiya sa POGO, na kanilang service providers at gaming agents.