Tuluyan nang nag-landfall o direktang tumama ang Bagyong Agaton sa Calicoan Island, Guiuan, Eastern Samar bandang alas-7:30 kaninang umaga.
Sa latest bulletin ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), taglay ng bagyo ang hangin sa lakas na 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugsong aabot sa 105 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran, hilagangkanluran sa bilis lang na 10 kilometro bawat oras.
Kaugnay nito, itinaas na ang Signal No. 2 sa ilang lugar sa timog na bahagi ng Eastern Samar gaya ng Guiuan, Mercedes, Salcedo, Quinapondan, Giporlos, Balangiga, Lawaan, General Macarthur, Hernani, Llorente, Balangkayan, Maydolong, at Borongan City.
Gayundin din sa timog na bahagi ng Samar kabilang ang Marabut, Basey, Calbiga, Pinabacdao, Villareal, at Santa Rita; Signal No. 2 rin sa hilagangsilangan na bahagi ng Leyte tulad ng Babatngon, Tacloban City, Palo, Tanauan, at Tolosa. Habang sa Mindanao, Signal No. 2 ang hilagang bahagi ng Dinagat Islands (Loreto, Tubajon).
Samantala, nananatiling Signal No. 1 ang natitirang bahagi ng Eastern Samar, gayundin sa Samar, Northern Samar, Biliran, natitirang bahagi ng Leyte, Southern Leyte, at ang northeastern portion ng Cebu (Daanbantayan, Medellin, Bogo City, Tabogon, Borbon) kabilang ang Camotes Islands. Habang sa Mindanao, Signal No. 1 ang Surigao del Norte at nalalabing bahagi ng Dinagat Islands.