KALIBO, Aklan — Nagpakilig sa libu-libong netizens ang kakaibang wedding proposal ng isang bumbero sa Kalibo, Aklan.
Mistulang pinakaba pa muna ni Fire Officer Jun Rey Tordecillas ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Kalibo ang kanyang bride-to-be na si Jonah Eliza Prado, isang guro sa Aklan State University bago ito pakiligin sa agaw-eksenang proposal.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Prado na kinuntsaba umano ng kanyang kasintahan ang kanilang hepe na si F/Senior Inspector Joseph Cadag upang papuntahin siya sa kanilang opisina.
Pagdating niya sa lugar ay biglang tumunog ang fire alarm at sinabing may sunog na kailangang respondehan.
Ngunit, nagtaka siya kung bakit biglang bumalik ang firetruck, kung saan nasa gilid pala nito nakalagay ang props na nagsasabing “Will You Marry Me.”
Ang fire alarm ay napalitan rin ng kanilang theme song na Forevermore ng Side A.
Labindalawang bulaklak rin ang iniabot sa kanya ng mga katrabaho ng nobyo at iba pa niyang mga matalik na kaibigan at dating estudyante.
Sa sobrang pagkagulat at saya at nang makitang nakaluhod ang nobyo sa kanyang harapan, napa-“yes” agad siya kahit wala pang sinasabi ang kasintahan at hindi pa iniabot ang engagement ring.
Matagal na panahon umano niyang hinintay ang pagkakataon matapos ang 12 taon pagiging magkasintahan.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit sa 140,000 likes, 12,000 comments at 67,000 shares ang kanyang post sa social media.