-- Advertisements --
PECO MORE POWER

ILOILO CITY – Nanindigan ang Panay Electric Company (PECO) na sila pa rin ang legal na electric power provider sa lungsod ng Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng Panay Electric Company, sinabi nito na walang katotohanan ang pahayag ng MORE Electric and Power Corporation (MORE Power) na sila na ang mamamahala sa assets ng lahat ng substations ng PECO.

Ang nasabing pahayag ay kasunod ng ibinabang desisyon ni Judge Emerald Contreras, presiding judge ng Branch 23 ng Ramon Avanceña Hall of Justice kung saan kinatigan nito ang hiling ng MORE Power na kunin ang ilang ari-arian ng PECO.

Ayon kay Elamparo, nakalagay sa “addendum to writ of possession” ni Judge Contreras na dapat pag-aralan muna ng mga opisyal ng MORE Power ang tamang pamamahala sa operasyon ng PECO at hindi rin dapat mawalan ng trabaho ang mga empleyado ng huli.

Dagdag pa ni Atty. Elamparo, umaasa pa rin sila na madaliin ng Court of Appeals ang desisyon kaugnay sa kanilang petition na humihingi ng temporary restraining order (TRO) na pansamantalang nagpapatigil sa pagkuha ng MORE Power sa ari-arian ng PECO.

Atty Elamparo
Atty. Estrella Elamparo

Nagbigay na rin ng motion for clarification si Elamparo upang malinawan sa inilabas na desisyon ng hukuman.

Sa Lunes, hihilingin din ng legal counsel ng PECO ang pagsuspinde ng mga susunod pa na pagdinig sa nasabing kaso at pinapa-inhibit si Judge Contreras sa paghawak ng kaso.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng PECO na business as usual pa rin ang transaksyon ng kanilang mga kliyente.