(Update) CEBU CITY – Inaalam pa ngayon ang background ni Councilor Ramil Abueva habang nagpapatuloy ang puspusang imbestigasyon sa nangyaring pagbaril-patay dito.
Si Abueva ay binaril nitong Linggo ng umaga sa Sitio Tab-ang, Purok Saging, Barangay Ilaya sa bayan ng Ronda, probinsya ng Cebu.
Nanggaling umano ito sa isang public market ng nasabing lugar at pauwi na sana nang binaril ng hindi nakilalang suspect.
Ayon kay P/Cpt. Rodgene Fudotan, ang hepe ng Ronda Police Station na sa kanilang paunang background check sa biktima, napag-alaman na nasilbihan na ito ng search warrant noong nakaraang taon. Ni-raid ang bahay nito at nakuhanan umano ng mga armas.
Ngunit nakalaya rin ito dahil nakapagpiyansa.
Napag-alaman din na sangkot daw ito sa isang Small Town Lottery (STL) business at posibleng personal ang motibo nang pagbaril sa kanya.
Pero ayon kay Fudotan na hindi nila isinantabi ngayon ang posibilidad na pulitika din ang dahilan ng pagbaril sa nasabing konsehal.
Patuloy rin nila ngayong inaalam kung may CCTV camera pa sa area kung saan nangyayari ang pagpaslang.